Lady Bulldogs kampeon uli

MANILA, Philippines — Nagkapit-bisig sa opensa sina Vangie Alinsug at rookie Sam Cantada upang tulungan ang National University na makuha ang four-peat matapos payukuin ang tigasing University of Sto. Tomas sa Game 2 ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup best-of-three finals na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila kahapon.
Pinamunuan ni Cantada ang opensa para sa Lady Bulldogs pero si team captain Alinsug ang halos kumana ng krusyal points lalo sa set 4 at sa deciding fifth set.
Nilista ni Alinsug ang 19 points mula sa 16 attacks, at tig-tatlong blocks at service aces kaya naman nahirang itong MVP of the Game habang tinipa ni Cantada ang 24 points sa tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Lamang ng isang set, 2-1, makakahirit sana ang Golden Tigresses ng do-or-die Game 3 nang kalmutin nila ang 4-0 run para maagaw ang bentahe, 17-16 sa fourth frame.
Subalit hindi nasira ang loob ng NU, mabangis na tinaguyod nila Alinsug at Cantada ang kanilang koponan para manatili sa kanilang bakuran ang titulo.
Samantala, nagtulungan sina Faida Bakanke, Alyzza Devosora at Jazzlyn Elarina para trangkuhan ang Far Eastern University na pagpagin ang Adamson University, 25-22, 17-25, 25-19, 25-20 at sungkitin ang bronze medal.
- Latest



















