Team Philippines sumungkit ng 2 pilak, 2 tanso
MANILA, Philippines — Dalawang silver at dalawang bronze medals ang nakolekta ng Team Philippines sa nalalapit na pagtatapos ng 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ang silver ay pinana ni national archer Amaya Paz-Cojuangco mula sa kanyang 137-139 kabiguan kay Nurisa Dian Ashrifah ng Indonesia sa women’s individual compound finals.
Winakasan ng 40-anyos na national team veteran ang 12-taong paghihintay ng bansa sa Asiad archery medal matapos ang bronze ni Paul Marton Dela Cruz sa men’s individual compound noong 2014 edition sa Incheon, South Korea.
May silver rin si Juliana Mykhail Candelaria sa women’s individual poomsae event ng taekwondo sa nahakot niyang 9.1300 points.
Nagdagdag ng bronze si Jeus Gabriel Yape sa kanyang kinolektang 9.0900 points sa men’s individual poomsae.
Samantala, nakuntento sa bronze si World No. 18 Alex Eala matapos matalo kay No. 85 Wang Xiyu ng China, 6-3, 3-6, 2-6, sa kanilang women’s singles semifinal match.
Sa kabuuan, may tatlong golds, limang silvers at 14 bronzes ngayon ang Pilipinas para sa No. 18 seat sa medal tally na pinamumunuan ng China sa nakolektang 152 golds, 71 silvers at 61 bronzes kasunod ang host Japan (53-77-78), South Korea (30-30-51), Uzbekistan (16-20-19) at Thailand (12-11-15).
Muntik makadagdag ng bronze si Marc Alexander Lim sa men’s -69kg division ng jiu-jitsu kundi lamang siya naisahan ni Seonghyeon Joo ng South Korea.
Sa women’s beach volleyball, napigilan ang pagsampa nina Alas Pilipinas duo Sofiah Pagara at Khy Progella sa gold medal round nang matalo kina Taravadee Naraphornrapat at Worapeerachayakorn Kongphopsarutawadee ng Thailand, 21-23, 18-21, sa semifinals.
Maaari pang makamit nina Pagara at Progella ang kauna-unahang Asiad beach volleyball medal ng bansa sa pagsagupa kina Cao Shuting at Dong Jie ng China sa bronze medal match ngayong umaga.
Sa jiu-jitsu, maagang nasibak si four-time world champion Kim Custodio sa Round of 16 ng women’s -48kg class matapos yumukod kay Abdulla Balqees ng United Arab Emirates via advantage.
- Latest
























