Ika-3 dikit kinana ng Adamson sa UE
MANILA, Philippines — Nilipad ng Adamson University ang three-game winning streak matapos nilang kalusin ang University of the East, 56-53 sa second round ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Muntik nang masalto ang Soaring Falcons mabuti na lamang at bumira sa crunch time sina Austin Ranzone at rookie Earl Medina para ilista ang 4-4 karta at saluhan sa fifth place ng team standings ang Ateneo de Manila University.
“We should be happy kung nasaan kami, only because hindi pa kami patay. Buhay pa and our head is above water, ‘yon lang naman yung gusto mo ‘eh na you just want to have a chance to move forward. Today was not that nice, buti na lang nakakuha kami ng panalo,” ani Soaring Falcons head coach Nash Racela.
Humarurot ang Red Warriors ng 7-2 run para hawakan ang isang puntos na abante, 50-49 may 2:55 minuto na lang ang natitira sa fourth quarter.
Hindi naman nasira ang diskarte ng Adamson, sumalpak si Ranzone ng clutch triple at saka naglagak naman ng dalawang puntos si Medina para agawin nila ang bentahe, 54-50 may 1:42 na lamang sa orasan.
At kahit nakuha pang makalapit ng Red Warriors ay hindi sinayang ng Soaring Falcons ang pagkakataon, kaya nasikwat ang importanteng panalo.
Pinamunuan ni Cedrick Manzano ang opensa para sa Adamson sa tinikadang 11 points mula sa 5-of-10 shooting, 10 rebounds, tatlong assists, dalawang blocks at isang steal habang bumakas si Manu Anabo ng walong puntos at walong boards.
- Latest
















