Vargas, Marcial muling nahalal
MANILA, Philippines — Mananatili bilang chairman ng PBA Board of Governors si Talk ‘N Text executive Ricky Vargas gayundin si Willie Marcial bilang Commissioner sa paparating na PBA Season 50.
Nahalal ang 2 lider sa idinaraos na pre-season board summit sa Las Vegas, Nevada na nagsimula noong Martes hanggang bukas bago ang pagbubukas ng liga sa Oktubre 5 sa Smart-Araneta Coliseum.
Ito na ang ika-9 na sunod na termino nina Vargas at Marcial para sa sa makasaysayang streak bilang pinuno ng No. 1 sa Pilipinas at kauna-unahang professional basketball league sa Asya.
Nasa likod nila si Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua, na nanatili din bilang vice chairman ng PBA Board.
Swak din para sa kanilang mga bagong termino sina Atty. Raymond Zorilla ng Phoenix bilang treasurer at Atty. Ogie Narvasa bilang corporate secretary at legal counsel.
Lumahok din sa annual pre-season board meeting ang ibang governors kasama na ang bagong miyembro na si Jason Webb ng Magnolia na umangat bilang assistant coach ng koponan upang pumalit sa nag-retirong long-time executive na si Rene Pardo.
Kasama rin sina Robert Non ng San Miguel, Atty. Bill Pamintuan ng Meralco, Ronald Dulatre ng NLEX, Atty. Ma-merto Mondragon ng Rain or Shine, Silliman Sy ng Blackwater, Archen Cayabyab ng Converge at Erick Arejola ng NorthPort bago ang opisyal nitong paglipat sa Magnolia.
Bahagi ng agenda sa board meeting ang pag-pormalisa sa pagbenta ng NorthPort sa Pureblends, na magbibigay-daan sa paglipat ni Arejola sa Magnolia bilang alternate governor, na inaasahang matapos na bago magsimula sa season.
Bahagi rin ng pagpupulong ang TV Broadcast partners ng PBA sa pangunguna nina TV5 president Guido Zaballero, Cignal TV president at CEO Jane Basas pati na si Cignal TV vice president of Channels and Content Sienna Olaso.
- Latest
















