Morally inaabangan sa Prince Cup
MANILA, Philippines — Atat nang masilayan ng mga karerista ang muling pagsalang ng kabayong Morally sa pista.
Bagama’t wala pang naghayag ng paglahok sa 3rd Leg Prince Cup na ilalarga sa Setyembre 14 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas ay malaki ang tsansang sasali ang Morally.
Pag-aari ni Gabriel Gaerland, sinikwat ng Morally ang first at second legs kung saan ay nagtala ito ng impresibong panalo kaya asahang magiging outstanding favorite ito sa pangatlong leg sakaling muli itong sasabak.
Parehong ginabayan ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez ang Morally sa una at pangalawa kaya tiyak na siya rin ang papatong sa pangatlo upang mawalis ang tatlong legs.
Nirehistro ng Morally ang tiyempong 1:23 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P1,950,000 premyo sa second leg.
Ilalarga rin sa nasabing araw ng karera ang Kings Gold Cup at gaya rin ng Prince Cup ay wala pang nagsasad ng pagsali pero paniguradong makikipagtagisan ang first at second leg winners, Sherbet Fountain at Varatti, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang Prince Cup at Kings Gold Cup ay mga bagong stakes races na ang utak ay si Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) Chairman at President Atty. Narciso Morales.
- Latest


















