128 players sali sa PBA Rookie Draft
MANILA, Philippines — Kabuuang 128 na manlalaro ang sumali sa PBA Season 50 Rookie Draft sa pagtatapos ng aplikasyon tampok ang higanteng si Geo Chiu bilang isa sa mga huling humabol.
Pinangunahan ni Chiu ang lagpas 50 aplikante na nakaabot sa deadline ng pasahan ng kanilang aplikasyon kamakalawa sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Ilan pa rito ay sina John Bryan Sajonia ng San Beda, Shawn Umali at Tony Ynot ng College of St. Benilde, Ximone Sandagon ng FEU, Jacey Cruz mula sa Qatar at Kobe Monje ng Letran.
Sa pagdating ng 6-foot-10 na si Chiu ay isa siya sa matunog na maging No. 1 pick ng Terrafirma bunsod na rin ng karanasan bilang UAAP champion para sa Ateneo at dating kampanya sa Gilas Pilipinas at Batang Gilas.
Inaasahan ding mahuhugot sa top draft pick sina Juan Gomez de Liaño, Jason Brickman, dating Batang Gilas guard Dalph Panopio mula sa Italy at NCAA MVP Will Gozum.
Susubukan ng PBA ang kalibre ng lahat ng aplikante sa PBA Draft Combine sa Setyembre 4 hanggang 5 sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Matapos iyon ay tsaka ilalabas ang pinal na listahan ng mga nakapasa para sa mismong PBA Season 50 Rookie Draft sa Setyembre 7 sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay.
Susunod sa Terrafirma sa first-round draft order ang Phoenix, Blackwater, NorthPort, NLEX, Magnolia, Meralco, Converge, San Miguel, Rain or Shine, Ginebra at Rain or Shine uli mula sa Talk ‘N Text matapos ang trade nila.
Ang Rookie Draft ang unang event ng PBA bilang paghahanda para sa makasaysayang ika-50 taon nito sa Oktubre tampok ang iba’t ibang mga pasabog tulad ng overseas games sa Dubai, United Arab Emirates at Bahrain.
- Latest




















