Chua swak sa semis ng US Open
MANILA, Philippines — Mag-isang bibitbitin ni Johann Chua ang bandila ng Pilipinas matapos nitong kalusin sa quarterfinals si former world champion Niels Feijen, 10-2 ng The Netherlands, kahapon sa US Open Pool Championship na nilaro sa Harrah’s Resort, Atlantic City, USA.
Nagwagi muna ang 2025 Knight Shot Open champion na si Chua sa round of 16 matapos nitong patalsikin si Aleksa Pecelj, 10-7 ng Serbia.
Sa iba pang laro, pinagulong ni Michael Baoanan si Duong Quoc Hoang, 10-9 ng Vietnam habang yumuko naman si Jefrey Roda kay Singaporean cue artist Aloysius Yapp, 2-10.
Subalit naligwak naman si Baoanan kay defending champion Fedor Gorst, 9-10 ng host country sa last 8 kaya ang 33-anyos na si Chua na lang ang natitirang panargo ng Pilipinas.
Makakalaban ni Chua sa semifinals si Gorst ngayon kung saan ay Race to 11 ang labanan, sina Yapp at Ko Pin Yi ng Chinese Taipei ang magkatapat sa event na nakalaan ang $500,000 guaranteed prize na ipamumudmod hanggang 64th place.
- Latest

















