Cruz pahinga muna
MANILA, Philippines — Magpapahinga muna si Jericho Cruz upang pagalingin ang kanyang hamstring injury matapos ang dire-diretsong kampanya para sa San Miguel Beer at Guam.
Nadale ng hamstring injury ang Filipino-Guamanian standout sa 2025 FIBA Asia Cup na hindi niya na natapos kaya hindi muna makakasali sa lumarga nang training camp ng Beermen para sa PBA Season 50 sa Oktubre.
“Hindi na kinaya. Kasi galing sa Philippine Cup finals tapos diretsong biyahe. Then pagdating sa Saudi Arabia, laro na kaagad,” ani Cruz.
“Pahinga lang ito kasi sobrang tight talaga pag may hamstring injury ka. Nagpapagaling ako ngayon. Pahinga muna, enjoy muna.”
Si Cruz ang bumandera sa kampeonato ng SMB sa Philippine Cup tungo sa Finals MVP award sa likod ng rehistrong 13.8 puntos, 3.5 rebounds at 3.3 assists.
Bagama’t walang pahinga, dumiretso sa Jeddah si Cruz para pamunuan din ang bagitong Guam sa una nilang FIBA Asia Cup appearance.
Dito ay naukit din ng Guam ang kauna-unahan nilang panalo sa Asia Cup, 82-73, kontra sa Syria tampok ang 21 puntos sa 5 tres ni Cruz bago siya madale ng injury.
Sa kabuuan, si Cruz ang nagsilbing ikalawang best player ng Guam hawak ang 16.0 puntos na average sa likod lang ng 17.7 puntos ni Tai Wesley.
“Sobrang blessed kami to get one win and make history for the island of Guam,” ani Cruz sa kanyang home country bago magpunta sa Pilipinas para maglaro sa UAAP at tsaka sa PBA.
- Latest


















