No. 2 spot dale ng ROS

MANILA, Philippines — Nang kumawala ang Rain or Shine sa third period ay hindi na nakahabol ang Phoenix.
Pinabagsak ng Elasto Painters ang Fuel Masters, 133-103, para angkinin ang No. 2 spot sa Group B papasok sa quarterfinals ng Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Naglista si Jhonard Clarito ng 18 points, 11 rebounds at limang assists, habang may 18 markers din si import Aaron Fuller.
Isinara ng Rain or Shine ang eliminations tangan ang 6-4 baraha para samahan ang Group B top team Magnolia (7-3) sa crossover quarterfinals na magsisimula bukas.
Lalabanan ng tropa ni coach Yeng Guiao sa best-of-five series ang Group A No. 3 Converge (8-4), habang haharapin ng Hotshots ang Group A No. 4 TNT Tropang 5G (7-5).
“Before iyong laro ang bilin ko lang sa mga players, team namin, mas maganda kung mananalo tayo, pasok tayo ng quarterfinals on a winning note,” ani Guiao. “That would be a good starting point for us.”
Nagdagdag si Adrian Nocum ng 17 points at may tig-13, 11 at tig-10 markers sina Santi Santillan, Mike Malonzo, Felix Lemetti, Caelen Tiongson at Luis Villegas, ayon sa pagkakasunod.
Hindi pa nadedetermina ang sasagupa sa Group A No. 1 NLEX (-3) at No. 2 San Miguel (9-3) sa quarterfinals.
Laglag naman ang Phoenix sa 5-5 marka at posibleng pumuwesto alinman sa No. 3 o No. 4.
Umiskor si import Marcellus Earlington ng 20 points para sa Phoenix kasunod ang tig-16 markers nina Fian Mamuyac at Francis Escandor na nagsalpak ng limang triples.
- Latest


















