Chery Tiggo umentra sa PVL Finals

MANILA, Philippines — Inangkin ng Chery Tiggo ang unang finals berth matapos sibakin ang Cignal HD, 25-17, 16-25, 25-21, 25-23, sa kanilang knockout semifinals match sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang finals appearance ng Crossovers matapos magreyna noong 2021 PVL Open Conference.
Humataw sina Ara Galang at Cess Robles ng tig-15 points sa kanilang pagpapatalsik sa HD Spikers na nakahugot kay Erika Santos ng game-high 26 markers.
Lalabanan ng Chery Tiggo sa one-game championship sa Linggo sa MOA Arena sa Pasay City ang mananalo sa semis showdown ng Creamline at PLDT na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.
“Sobrang saya tsaka sobrang proud ako sa team ko. Pero siyempre, hindi pa tapos may Sunday’s game pa,” ani Galang na pumalo ng 14 attacks.
Nabalewala naman ang pagiging No. 1 team ng Cignal sa eliminasyon sa Pool B at bigong makasampa sa kauna-unahan nilang finals stint.
Binuksan ng Crossovers ang first set sa 5-1 patungo sa 22-15 lead matapos ang running attack ni ‘Tyang’ Aby Maraño para sa kanilang 25-17 panalo.
Bumawi ang HD Spikers sa likod nina Santos, Ishie Lalongisip at Rose Doria-Aquino para agawin ang second frame, 25-16.
Ngunit bumalik sa kanilang porma ang Chery Tiggo at kinuha ang third set, 25-21, at itinakas ang 25-23 panalo sa fourth frame para kumpletuhin ang four-set win sa Cignal.
Nagdagdag si Imee Hernandez ng 12 points habang may 10 markers si Ren Peñafiel para sa Crossovers na pinatalsik ang Galeries Tower Highrisers sa knockout round at ang Nxled Chameleons sa quarterfinals papasok sa semis.
- Latest
















