UE sinorpresa Adamson
MANILA, Philippines —Matapos ang dalawang taon na kadiliman ay muling sumikat ang araw sa University of the East
Tinapos ng University of the East ang kanilang 30-game losing streak matapos sorpresang talunin ang Adamson University, 53-47, sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Bago tinuldukan ang ikalawang pinakamahabang losing streak sa liga, nasilo ng Red Warriors ang huling panalo noong Oktubre 26, 2024, nang talunin nila ang National University, 74-58 sa ikalawang round ng Season 87.
“I give credit to these boys. It’s a very very long time coming. Sinabi ko naman sa kanila na you just give your heart out. It’s the way I played back in the day and it’s showing now by giving it all sa floor,” sabi ni UE head coach Paulo Hubalde.
Nakapaglaro si Hubalde sa UE mula 2000 hanggang 2004.
May kasabihan na ang depensa ang nagpapanalo ng mga kampeonato, sa pagkakataong ito, depensa ang sinandalan ng Red Warriors para wakasan ang kanilang kamalasan ngayong season.
Samantala, tumibay ang kapit ng University of the Philippines sa tuktok ng team standings matapos nilang katayin ang Ateneo de Manila University, 82-74 sa ikalawang laro.
Napahaba ng Fighting Maroons ang kanilang winning streak sa pito, kasalukuyang hawak nila ang 9-2 karta, solo naman sa pangalawang puwesto ang National University Bulldogs sakmal ang 7-3 record.
Lumakas ang tsansa ng UP na makasilo ng twice-to-beat advantage sa susunod na phase.
Nalasap ng Blue Eagles ang pangalawang sunod na kabiguan, nasa pang limang puwesto sila hawak ang 5-6 baraha.
- Latest
















