Mosley kakasa kay Pacquiao
MANILA, Philippines — Hinamon ni dating world champion Shane Mosley si eight-division world champion Manny Pacquiao sa isang rematch.
Sariwa pa si Pacquiao sa laban nito kay reigning World Boxing Council (WBC) champion Mario Barrios na nauwi sa majority draw.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas at kaliwa’t kanan na ang pangalang ibinabato sa posibleng sunod na makaharap ni Pacquiao.
Kumasa na si Mosley na tahasang sinabi na nais nitong muling makasagupa si Pacquiao.
Iginiit nito na sinuman ang manalo sa Mosley-Pacquiao fight ang siyang haharap kay undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
“I want to fight Manny Pacquiao next. I’ll fight him next, then the winner fights Floyd Mayweather. I want to go out there and show the world that I am still here, you can’t get rid of me,” ani Mosley sa panayan ng Seconds Out.
Nakatakdang sumabak si Mosley laban kay Matt Floyd sa isang bakbakan sa Indigo O2 Arena sa London, England.
Nais ni Mosley na maging tuneup game ito bilang paghahanda kung sakaling matuloy ang laban nito kay Pacquiao.
“This is a tune up, then I want Manny. After I fight Manny, I fight Floyd,” ani Mosley.
Hindi naman na bago si Mosley kina Pacquiao at Mayweather.
Natalo na ni Pacquiao si Mosley sa kanilang paghaharap noong May 7, 2011 sa MGM Grand Garden Arena via unanimous decision.
Talo rin si Mosley kay Mayweather noong nagharap sila sa parehong venue noong Mayo 1, 2010 via unanimous decision din.
Iginiit ni Mosley na injured siya nang mga panahong nakalaban nito sina Pacquiao at Mayweather kaya ito natalo.
“I want to go after the two guys I lost to when I was injured,” ani Mosley.
Maugong ang pangalan ni World Boxing Association (WBA) welterweight champion Rolly Romero sa posibleng makalaban ni Pacquiao.
- Latest

















