Gilas Youth matikas sa SEABA
MANILA, Philippines — Patuloy ang mainit na ratsada ng Gilas Youth na nakumpleto ang matikas na sweep sa eliminasyon ng FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginaganap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Hindi nakaporma sa Gilas Youth ang Malaysia nang itarak nito ang 96-61 panalo na malaking tulong upang mapataas ang kumpiyansa ng tropa.
Gayunpaman, hindi kuntento si Gilas Youth head coach LA Tenorio sa ipinakita ng kanyang bataan matapos magtala ng 20 turnovers na kailangan nitong masolusyunan bago ang finals.
“Our turnovers (20), even though we won that much and had 27 assists, still it’s our mistakes that concerns me,” ani Tenorio.
Walang nakikitang problema si Tenorio sa scoring department dahil shooters ang mga miyembro ng Gilas Youth.
Anim na miyembro ng Gilas Youth ang nagtala ng double digits tampok ang tig-15 puntos na nagawa nina Travis Pascual at Jeremiah Antolin.
Kumana ng 14 si Evereigne Cruz habang may 13 puntos at 11 rebounds si Prince Carino, at tig-10 puntos naman sina Luisito Pascual at Mark Lumagub.
- Latest
















