E-Painters sisimulan ang kampanya
MANILA, Philippines — Matapos makapasok sa semifinals ng nakaraang Season 49 PBA Commissioner’s Cup ay kumpiyansang bubuksan ng Rain or Shine ang kampanya sa Philippine Cup.
Lalabanan ng Elasto Painters ang NLEX Road Warriors ngayong alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Sisimulan din ng NorthPort Batang Pier ang kanilang misyon sa pagharap sa Terrafirma Dyip sa alas-5 ng hapon.
Nakasampa ang Rain or Shine sa semis ng Commissioner’s Cup kung saan sila tinalo ng nagkampeong TNT Tropang Giga.
Muling aasa si coach Yeng Guiaol kina Adrian Nocum, Andrei Caracut, Jhonard Clarito, Leonard Santillan at Caelan Tiongson.
Isasalang naman ng NLEX sina Robert Bolick, Kevin Alas, Jayvee Mocon, Michael Miranda at Anthony Semerad.
Nagmula ang Road Warriors sa 89-98 kabiguan sa San Miguel Beermen sa una nilang laro.
Samantala, ang unang panalo rin ang hangad ng Batang Pier sa pagsagupa sa Dyip.
- Latest