DMac lalaro sa AVC Champions League
MANILA, Philippines — Muling masisilayan sa aksyon si setter Rhea Dimaculangan matapos kunin ang serbisyo nito ng Creamline Cool Smashers para sa AVC Champions League na idaraos sa Abril 20 hanggang 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Mismong ang pamunuan ng Cool Smashers ang nagsiwalat sa paghugot nito kay Dimaculangan sa kanilang mga social media accounts.
“A multi-awarded setter na magbibigay sa atin ng good vibes sa 2025 AVC Champions League. We are so happy to have you here, D’Mac and we’re looking forward na mapanood kang maglaro with the team,” ayon sa post ng Creamline.
Malalim ang karanasan ni Dimaculangan na may championship experience na hindi lamang sa collegiate level maging sa professional leagues sa bansa.
Dati itong MVP at three-time best setter sa Philippine Superliga (PSL).
Makakasama ni Dimaculangan ang mga dati nitong teammates sa Petron na sina Bernadeth Pons at Denden Lazaro-Revilla noong naglalaro pa ang mga ito sa PSL.
Malaki ang maitutulong ni Dimaculangan sa Cool Smashers kasama si reigning Invitational Conference Finals MVP Kyle Negrito, Wala pang kumpirmasyon kung makalalaro si Jia de Guzman sa AVC Champions League.
Nakasama naman ni Creamline team captain Alyssa Valdez si Dimaculangan sa national team noong sumabak ang tropa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games na ginanap din sa Philsports Arena.
Maliban kay Dimaculangan, hahataw din para sa Cool Smashers si American import Erica Staunton na nasa bansa na para makasama ang tropa sa training nito.
- Latest