Magnolia sumampa sa win column

MANILA, Philippines — Ipinagpag ng Magnolia ang Blackwater sa second half para angkinin ang 106-84 panalo sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Sumampa ang Hotshots sa win column sa kanilang 1-0 baraha kasama ang nagdedepensang Meralco Bolts at Terrafirma Dyip.
Nagsumite si Zav Lucero ng 21 points,habang may 15, 14 at tig-13 markers sina Ian Sangalang, Mark Barroca, Jerom Lastimosa at Calvin Abueva, ayon sa pagkakasunod.
“Iyong break namin, iyong four months preparation namin, I think lumabas naman sa laro ngayon,” sabi ni coach Chito Victolero. “Medyo gumanda iyong depensa namin. We limited them to under 90 points, and that’s good for us.”
Nabasura ang kinamadang game-high 31 points ni Christian David para sa Bossing na bagsak sa grupo ng mga talunang Phoenix Fuel Masters at Converge FiberXers.
Naglista ang Magnolia ng isang 17-point lead sa second period na naputol ng Blackwater sa 49-53 mula sa three-point shot ni JVee Casio sa pagbungad ng third quarter.
Sa pangunguna ni Lucero ay muling nakawala ang Hotshots sa 60-49 na pinalobo nila sa 79-59 sa huling tatlong minuto ng nasabing yugto.
Huling naghamon ang Bossing sa 79-92 sa 5:31 minuto ng fourth period galing sa four-point shot ni David.
- Latest