Salamat sa laban Alex Eala!

MANILA, Philippines — Bumuhos ng maiinit na mesahe para kay Alex Eala sa kabila ng kabiguan nitong makapasok sa finals ng Miami Open.
Natapos na ang Cinderella run ni Eala nang umani ito ng 7-6 (7/3), 5-7, 6-3 kabiguan sa kamay ni world No. 4 Jessica Pegula ng Amerika sa semifinals kahapon sa Miami, Florida.
Sa kabila ng kabiguan, bumuhos ang suporta kay Eala mula sa mga kababayan nito na nasa Miami maging sa mga Pinoy fans na nasa Pilipinas na tumutok sa laban sa kani-kanyang telebisyon.
Subalit hindi basta-basta sumuko si Eala.
Inilabas nito ang 100 porsiyentong bagsik nito upang makipagsabayan sa buong panahon ng laro sa naturang WTA1000 event.
“I literally gave everything I had, I’m half tape, I’m like a mummy. I did everything and I have no regrets,” anang 19-anyos na si Eala na produkto ng Rafael Nadal Academy sa Mallorca, Spain.
Kinailangan ni Pegula ng dalawang oras at 24 minuto bago mapatalsik ang Pinay netter.
Nakipagsabayan ng husto si Eala sa bawat puntos na nakukuha nito kung saan aminado ang American netter na nahirapan ito dahil sa mahusay na larong ipinakita ni Eala.
Si Eala lang naman ang nagpatalsik sa kontensiyon sa tatlong Grand Slam chmpions na sina Jelena Ostapenko, Madison Keys at world No. 2 Iga Swiatek.
Aminado si Eala na dismayado ito sa resulta ng laro.
“Of course there is disappointment right after the match,” ni Eala.
Subalit mas nananaig ang positibong pananaw na dadalhin nito sa kanyang mga susunod na laban.
Makakaharap ni Pegula sa finals si world No. 1 Aryna Sabalenka.
- Latest