Gin Kings, Tropang Giga patayan para sa titulo

MANILA, Philippines — Isang tagay ng tagum-pay o unli saya sa ikalawang sunod na titulo?

Iyan ang masasagot ng lahat ngayon sa bigating Game 7 tampok ang magkaribal na Barangay Ginebra at Talk ‘N Text para sa kampeonato ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup finals ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.

Matamis na bawi ang hangarin ng Ginebra matapos ang dalawang sunod na kabiguan sa finals kontra sa TNT, na hangad naman ang ikalawang dikit na titulo ngayong Season 49 matapos pagharian ang unang conference na Governors’ Cup.

Isang pangarap lang ang matutupad sa pagitan ng mahigpit na magkaribal sa alas-7:30 ng gabi para sa ikapito at pinakahuling tapatan nila sa umaatikabong best-of-seven series.

Nauwi sa Game 7 – pinakamalaking laro sa team sports – ang duwelo matapos ang 87-83 pag-eskapo ng Tropang Giga sa Game 6 kamakalawa na nasaksihan ng higit 17,000 katao sa parehong venue.

“Let’s just grab this opportunity, go out there, play hard and compete. If we lose, we lose. At least we’re not going down without a fight,” ani head coach Chot Reyes na tangka ring mapalawig ang 4-3 head-to-head finals lead sa kaibigang si head coach Tim Cone ng Ginebra.

Sa pagunguna ng Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson, nakauna ang TNT sa serye hawak ang 2-1 bentahe bago matalo nang dalawang sunod upang mapuwersa sa win-or-go-home battle sa Game 6.

Iyon ang una nilang do-or-die game kasama si Hollis-Jefferson, na aasa ulit ng tulong ngayon mula kina Rey Nambatac, Calvin Oftana, Roger Pogoy, Poy Erram, Glenn Khobuntin at Kelly Williams, matapos mapanalunan ang unang 2 serye sa 4-2 kartada na parehong kontra sa Ginebra.  

Show comments