Elena Bell, Kings Cup tatakbo sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Umabot sa 17 mahuhusay na kabayo ang nagdeklara ng paglahok sa magaganap na 2025 PHILRACOM 3-Year-Old Maiden Stakes Race (3) na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Marso 30.
Kasama sa mga nominado sa event na may distansyang 1,400 meter race ay sina Elena Bell at Kings Cup na sasakyan nina former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardees Jonathan Basco Hernandez at Patty Ramos Dilema, ayon sa pagkakasunod.
Ang ibang nominadong kabayo ay sina Brig Left Over, Gypsy Rhythm, High Octane, Inspector Mills, King Of Sipocot, Lieca Show, Pine Noveau, Royal Salute, Sambawan Island, Saving Sunset, Shelltex Best, Sprewell, The King’s Charm, True Dogma at Zoom In.
Sasalain ang mga kabayong naghayag ng pagsali dahil 14 lang ang puwedeng tumakbo sa pista kaya posibleng sa susunod na Linggo ay malalaman na ang opisyal na line-up.
Nakalaan ang P1.5M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, suportado ang nasabing karera ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta sa pangalawa ang P300,000.
- Latest