Lady Knights may misyon sa Lady Generals
MANILA, Philippines — Magtutuos ang Letran at Emilio Aguinaldo College ngayong araw sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa JRU Gym sa Kalentong, Manila.
Pakay ng Lady Knights na tuhugin ang pang-limang sunod na panalo kontra minamalas na Lady Generals, magsisimula ang kanilang laro sa ala-1 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng University of Perpetual Help System Dalta at San Sebastian College-Recoletos sa alas-11 ng umaga.
Solo sa pangalawang puwesto ang Intramuros-based team tangan ang 4-0 karta habang kasalo ng EAC ang Lyceum sa No. 7 spot na hawak ang magkawangis na 1-4 record.
Mag-isa sa tuktok ng team standings ang Lady Altas na tangan ang 5-0 card.
Sasandalan ni Letran head coach Oliver Almadro sina Marie Judiel Nitura, Sheena Vanessa Sarie at Nizelle Aeriyen Martin para masikwat ang inaasam na panalo.
Impresibo ang inilaro ng Colegio de San Juan de Letran nakaraan kontra Lyceum of the Philippines University ng walisin nila ito sa tatlong sets, 25-18, 25-18, 26-24 na nilaro sa Arellano University gym sa Manila matapos silang akayin nina Sarie at Nitura.
Umiskor si Sarie ng 17 points kasama ang walong digs at pitong excellent receptions habang bumakas si Nitura ng 16 markers mula sa 11 attacks, apat na blocks at isang service ace.
Kaya asahang sila pa rin ang pangunahing opensa ng Letran para makuha ang pang-limang sunod na panalo at manatiling malaki ang tsansa sa minimithing korona ngayong season.
- Latest