Cone: Gilas pool hindi magbabago
MANILA, Philippines — Walang dapat baguhin sa Gilas Pilipinas pool na sasabak sa mga international tournament kabilang na ang 2025 FIBA Asia Cup na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia.
Naglabas ng pahayag si Cone matapos ang laban ng Gilas Pilipinas sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.
Hindi naging maganda ang resulta ng Pinoy cagers na umani ng dalawang sunod na kabiguan — una sa kamay ng Chinese-Taipei sa Taiwan kasunod ang New Zealand sa Auckland.
Sa kabila nito, nais ni Cone na manatili sa kasalukuyang pool nito dahil hindi madali ang magpasok ng bagong player sa sistema ng team.
Matagal na rin na magkakasama ang kasalukuyang miyembro ng Gilas pool kaya’t kabisado na ng bawat isa ang galaw nito sa oras na muling magkasama ang lahat ng players.
Mas nagiging madali ang pagbuo ng chemistry dahil sanay na ang mga ito sa sistema ni Cone.
“There’s so many things beyond what people are talking about. It’s not that easy just to pull somebody out or add to the pool or get a bigger pool,” ani Cone.
Nanindigan si Cone na iikot ang programa ng Gilas Pilipinas base sa una nitong plano.
Wala itong balak na baguhin ang proseso dahil lamang natalo ang Gilas Pilipinas sa mga nakalipas na laro nito.
Naniniwala si Cone na malaki ang maitutulong ng naging karanasan ng Gilas Pilipinas sa Doha tournament at sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers para mas lalo pang tumibay ang kanyang tropa sa mas importanteng laban.
Wala namang bearing ang mga laro nito sa Doha at qualifiers kaya’t sesentro ang atensiyon ng Gilas Pilipinas sa mga tunay na laban na haharapin nito.
- Latest