Basheirrou binigo ang Batang Manda
MANILA, Philippines — Nanalong dehado ang Basheirrou matapos angkinin ang korona sa 2025 PHILRACOM Commissioner’s Cup na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Butas ang bulsa ng mga liyamadista dahil sa pagkatalo ng pinapaborang reigning Presidential Gol Cup champion Batang Manda.
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee, Jonathan Basco Hernandez, ipinuwesto nito ang Basheirrou sa pang-apat habang nagbabakbakan sa unahan ang matutulin sa largahan na Batang Manda at Worshipful Master.
Nasa pangtalo naman ang Sonic Clay at kumapit sa unahan makalipas ang ilang metro ng takbuhan.
Masyadong naging mabilis ang karera kaya marahil ay humabol na agad ang Basheirrou at nakapitan nito sa unahan ang Batang Manda sa far turn.
Patuloy ang tagisan ng bilis ng Batang Manda at Basheirrou sa unahan hanggang sa huling kurbada ay walang tigil ang kanilang lutsahan.
Subalit pagsapit sa rektahan ay umungos na ang Basheirrou at tinawid nito ang meta ng may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang Jungkook habang tersero ang Batang Manda.
Nilista ng Basheirrou ang tiyempong 1:39 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horseowner ang P900.000 premyo.
- Latest