Lady Bulldogs, Lady Spikers puksaan agad sa UAAP

MANILA, Philippines — Matinding puksaan agad ang masisilayan sa opening  day pa lang ng  UAAP Season 87 wo­men’s volleybal tournament na papalo sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Asahan ang maiinit na aksyon sa second day sa Linggo kung saan maghaharap agad ang defending champion National University at Season 85 titlist De La Salle University.

Pangungunahan ni two-time UAAP MVP Bella Belen ang matikas na ratsada ng Lady Bulldogs na magtatangkang tapusin ang kanyang collegiate career ng magarbo.

Makakasama ni Belen sa arangkada si UAAP Season 86 Finals MVP Alyssa Solomon kasama sina Vangie Alinsun, Erin Pangilinan, Sheena To-ring at playmaker Cams Lamina.

Sa kabilang banda, malaki ang nawala sa La Salle partikular na sa middle blocker position matapos ang paglisan ni Thea Gagate.

Ngunit nananatiling matikas ang Lady Spi­kers dahil nariyan pa rin si outside hitter at dating Rookie-MVP na si Angel Canino na siyang aasahan sa opensa ng tropa.

Aariba rin para sa La Salle si middle blocker Amie Provido at outside hitter Aleiah Malaluan.

Magsisimula ang season sa Sabado tampok ang salpukan ng University of the East at University of the Philippines sa ala-una ng hapon.

Kasunod nito ang laban ng Golden Tigresses at Far Eastern University sa alas-3 ng hapon.

 

Show comments