4th win hangad ng Chery Tiggo
MANILA, Philippines — Magbabalik sa Metro Manila ang mga aksyon ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference matapos sa Cebu City noong Sabado.
Lalabanan ng Chery Tiggo ang Akari ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng Petro Gazz ang PLDT Home Fibr sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sumasakay ang Crossovers sa two-game winning run matapos matalo sa Cignal HD Spikers sa ikalawa nilang laro.
Lagapak naman sa dalawang dikit na kamalasan ang Chargers makaraan ang 3-0 panimula sa torneong pinagreynahan ng Creamline Cool Smashers noong nakaraang taon.
Umiskor ang Chery Tiggo ng 25-12, 25-23, 20-25, 25-22 panalo sa PLDT, habang bigo ang Akari sa Petro Gazz, 26-28, 27-29, 18-25, sa kanilang mga huling laban.
“Masaya po kami kasi lahat ng pinagtrabahuhan namin nung last few days, nagawa namin lahat ng plan namin, lahat ng sinabi ng coaches, and kung ano ‘yung pag-adjust namin sa kalaban,” ani Cess Robles na pumalo ng team-high 17 points mula sa 14 attacks at tatlong kill blocks sa pagdaig ng Crossovers sa High Speed Hitters.
Muling makakatuwang ni Robles sina Shaya Adorador, Ara Galang, Aby Marano, Pauline Gaston at Jen Nierva katapat sina Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Eli Soyud, Kamille Cal at Erika Raagas ng Chargers.
Sa unang laro, puntirya ng Petro Gazz (3-1) ang ikatlong sunod na ratsada laban sa PLDT (3-1).
- Latest