18 teams tumanggap ng incentives sa Shakey’s
MANILA, Philippines — Limpak-limpak na salapi ang natanggap na insentibo ng 18 koponan mula sa UAAP at NCAA mula sa Shakey’s Super League (SSL) at Shakey’s Pizza Asia Ventures Inc. (SPAVI) matapos ang matagumpay na 3rd Collegiate Pre-Season Championship.
Umabot sa tumataginting na P13,936,050 ang naipon ng Shakey’s na siyang pinakamalaki sa kasaysayan at pinaghatian ng mga koponan.
Matatandaang umabot lang sa P11 milyon ang nalikom ng liga sa inaugural season at P8 milyon sa ikalawang season.
Pinakamalaki ang nabingwit ng Arellano University na P1,759,358 para sa kinakailangang pondo na magpapalakas hindi lang sa volleyball kundi pati sa buong sports programs nito.
Isa ang pagtulong sa sports programs ng mga kalahok na koponan ang adhikain ng Shakey’s sa pagtatayo ng SSL.
Pormal na iginawad ito ng Shakey’s sa Malate branch sa pangunguna nina SPAVi general manager Oliver Sicam, Athletic Events and Sports Management (ACES) CEO Dr. Philip Juico at president Dr. Ian Laurel.
Naipon ito ng Shakey’s para sa mga koponan mula sa P50 na donasyon ng kada fan, pamilya, estudyante o simpleng customer sa kanyang napiling school sa kada order ng SSL bundle promo.
Sumegunda ang Jose Rizal (P912,008) kasunod ang College of St. Benilde (P896,758), Letran (P855,908), Emilio Aguinaldo College (P814,008, San Beda (P813,008), San Sebastian (P730,458), Mapua (P724,408), Adamson (P718,908), Ateneo (P701,958), University of the Philippines (P701,908), La Salle (P651,908), Lyceum (P646,008), Perpetual Help (P657,358), National University (P652,708), University of Santo Tomas (P616,808),University of the East (P536,058) at Far Eastern Uiversity (P526,758).
- Latest