Cavaliers binawian ang Celtics sa Game 2
BOSTON — Nagsalpak si Donovan Mitchell ng 29 points para banderahan ang Cleveland Cavaliers sa 118-94 pagresbak sa Celtics sa Game Two at itabla sa 1-1 ang kanilang Eastern Conference semifinals series.
Ang Cleveland, nakalasap ng 25-point loss sa Boston sa Game One, ang mamamahala sa Games 3 at 4.
Nagdagdag si center Evan Mobley ng 21 points at 10 rebounds para sa kanyang ikatlong sunod na double-double at may 21 markers si Caris LeVert mula sa bench para sa Cavaliers na nagtala ng 20-point lead sa fourth period.
Pinamunuan ni Jayson Tatum ang Celtics sa kanyang 25 ponts at may 19 at 10 markers sina Jaylen Brown at Derrick White, ayon sa pagkakasunod.
Sa Oklahoma City, humakot si Luka Doncic ng 29 points, 10 rebounds at 7 assists sa 119-110 panalo ng Dallas Mavericks sa Thunder sa Game Two para idikit sa 1-1 ang kanilang Western Conference semifinals duel.
Ginawa ito ni Doncic kahit may sprained right knee.
Nag-ambag si P.J. Washington ng 29 points kasama ang pitong 3-pointers para sa Dallas na nakahugot kay Kyrie Irving ng 9 points at 11 assists.
Binanderahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang OKC sa kanyang 33 points, 12 rebounds at 8 assists, habang may 20 markers si Jalen Williams.
- Latest