Creamline balik sa top spot
MANILA, Philippines — Kaagad bumangon ang nagdedepensang Creamline mula sa una nilang kabiguan matapos gibain ang Capital1 Solar Energy, 25-18, 25-14, 25-15, sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Muling sinolo ng Cool Smashers ang liderato sa kanilang 5-1 record at inihulog ang Solar Spikers sa 1-5 baraha.
Nagmula ang defending champions sa pagkatalo sa Chery Tiggo na tumapos sa kanilang 19-game winning streak simula noong 2019 sa Reinforced Conference.
“We really went back to the basics, especially sa training namin,” ani Tots Carlos na humataw ng 14 points mula sa 12 attacks, 1 service at 1 block. “During that game we were not able to execute properly.”
Dumikit ang Solar Spikers sa 16-17 sa first set bago tuluyang angkinin ng Cool Smashers ang 25-18 panalo sa pamumuno nina Alyssa Valdez at Risa Sato.
Nagtuwang naman sina Carlos, Michele Gumabao at Bernadeth Pons ng Creamline laban kay Jorelle Singh ng Capital1 para sa pagkopo sa second frame, 25-14, tampok ang ace ni Kyle Negrito para sa set point.
Bumandera si Carlos sa third set para sa pagtatayo ng Cool Smashers ng 8-0 kalamangan bago nakaiskor ang Solar Spikers mula sa atake ni Patty Orendain.
Ang ace ni Rose Vargas ang naglapit sa Creamline sa match point, 24-10, ngunit isang 5-0 atake ang ginawa ng Capital1 para makalapit sa 15-24.
Tuluyan nang tinapos ng Cool Smashers ang laban matapos ang matulis na palo ni Pons para kumpletuhin ang straight sets win.
Pinamunuan ni Singh ang Solar Spikers ni mentor Roger Gorayeb sa
kanyang 14 markers, habang may 8 points si Orendain.
- Latest