Cignal tinapos ang torneo sa dalawang panalo
MANILA, Philippines — Isinara ng Cignal HD ang kanilang kampanya sa 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference matapos walisin ang Capital1 Solar Energy, 25-19, 25-17, 25-20, kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang ikalawang sunod na panalo ng HD Spikers, kasama ang paggupo sa PLDT High Speed Hitters, ang nagbigay sa kanila ng 7-4 record para sa sixth spot.
Nagposte sina team captain Ces Molina at Rose Doria ng tig-12 markers.
“Siyempre, as a team captain very, very proud ako sa hardwork na ibinigay ng team namin this conference,” wika ni Molina.
“Despite na hindi kami nakapasok malaking lesson ito and experience as well na dadalhin namin sa next conference,” dagdag pa nito.
Nagdagdag si Jovelyn Gonzaga ng siyam na puntos kasunod ang anim na marka ni Vanie Gandler.
Tumipa si Gel Cayuna ng 19 excellent sets at may tig-siyam na excellent digs sina Dawn Macandili-Catindig at Jheck Dionela.
Pumalo naman si Jorelle Singh ng game-high 14 points sa panig ng Solar Spikers na tinapos ang kanilang debut conference sa 1-10.
Nag-ambag sina Ja Lana, Rovie Instrella at Shirley Salamagos ng tig-apat na puntos.
- Latest