Junior Altas kumikikig pa!
MANILA, Philippines — Niresbakan ng University of Perpetual Help System ang nagdedepensang Letran, 91-90, sa Game Two ng NCAA Season 99 juniors basketball finals kahapon sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Itinabla ng Junior Altas sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series ng Squires para makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game Three sa Sabado.
“It’s just one win. We’re not done yet,” ang emosyunal na pahayag ni Perpetual coach Joph Cleopas sa kanilang pagbawi sa Letran ni mentor Allen Ricardo.
Nagpasabog si JD Pagulayan ng 23 points bukod sa 10 rebounds para sa Junior Altas na nakabangon mula sa isang 18-point deficit sa second quarter at lamangan ang Squires sa 91-90 sa fourth period.
Ang nasabing one-point lead ng Perpetual ay galing sa krusyal na three-point shot ni Most Valuable Player Amiel Acido sa huling 53.3 segundo.
Mintis naman ang dalawang free throws ni Syrex Silorio sa huling posesyon ng Letran, hangad ang kanilang back-to-back crown at ika-14 sa kabuuan, sa natitirang 5.8 segundo.
Nauna nang kinuha ng Squires ang 59-50 bentahe sa halftime bago humataw ang Junior Altas ng 8-0 atake para makadikit sa 58-59 sa pagsisimula ng third period.
Huling nakamit ng Letran ang kalamangan sa 90-88 galing sa one-hander ni Silorio kasunod ang triple ni Acido para sa 91-90 abante ng Perpetual.
Samantala, inangkin ng Mapua Red Robins ang third place trophy sa kanilang 64-62 pagtakas sa San Sebastian Staglets.
- Latest