San Miguel nakuha ang inaasam
MANILA, Philippines — Kumolekta si import Bennie Boatwright, Jr. ng 44 points, 12 rebounds at 5 assists para igiya ang San Miguel sa 125-117 paggupo sa talsik nang Blackwater at ibulsa ang ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng Beermen para iposta ang 8-3 kartada at inilaglag ang Bossing sa 1-10 baraha kasama ang nine-game losing slump.
Umiskor si CJ Perez ng 15 markers para sa San Miguel at may 12, 11 at 10 markers sina Jericho Cruz, ang nagbabalik na si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo at Don Trollano, ayon sa pagkakasunod.
Kumabig si import Chris Ortiz ng 43 points sa panig ng Blackwater.
Mula sa 84-98 pagkakabaon sa Beermen sa dulo ng third period ay nakabangon ang Bossing sa pangunguna ni Ortiz para makalapit sa 96-98 sa pagsisimula ng fourth quarter.
Ang free throw ni Bradwyn Guinto ang nagdikit sa Blackwater sa 106-107 sa 8:27 minuto.
Ngunit isang 12-2 atake ang inilunsad ng San Miguel para muling makalayo sa 119-108 sa natitirang 1:14 minuto nito.
Kumonekta si Cruz ng anim na magkakahiwalay na free throws para sa 125-117 bentahe ng Beermen sa huling siyam na segundo.
Nagdagdag si Tyrone Hill ng 14 markers para sa Bossing, samantalang may 13 at 12 points sina Rey Suerte at Baser Amer, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, magtutuos ang Barangay Ginebra (7-3) at NLEX (4-6) ngayong alas-6:30 ng gabi sa Ibalong Centrum for Recretation sa Legazpi City, Albay.
Asam ng Gin Kings ang ‘twice-to-beat’ laban sa Road Warriors.
- Latest