May Ten pinasaya ang bayang karerista
MANILA, Philippines — Ipinakita ng May Ten ang kanyang husay matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Sinakyan ni class A rider John Alvin Guce, lumabas na pangalawa sa largahan ang May Ten kadikit si Kalanggaman Island habang pinapanood nila sa unahan ang matulin na si Sentinel Node.
Nanatili sa unahan ang Sentinel Node pagsapit sa far turn pero pagdating ng huling kurbada ay inagaw na ng May Ten ang bandera.
Nakipagsabayan ang Kalanggaman Island sa rektahan pero sa huling 150 metro ng karera ay umalagwa na ang May Ten.
Tinawid ni May Ten ang meta ng may anim na kabayo ang agwat sa pumangalawang Kalanggaman, tersero ang Money For Shelltex.
Nirehistro ng May Ten ang tiyempong 1:14 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si VE Go Bon ang P11,000 na premyo.
Kinubra ng breeder ng nanalong kabayo na si Bingson Tecson ang P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third.
Dumating na pang-apat ang Raxa Bago sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
- Latest