PBA yearender: Kotrobersya, coaching changes, trades at iba pa
MANILA, Philippines — Ang paghahari ng TNT Tropang Giga sa Governor’s Cup, pagbabago sa hanay ng ilang coaches, paglalaro ng ilang players sa ‘ligang labas’ at pagpanaw ni PBA legend Samboy Lim.
Ito ang itinampok sa Season 47 ng Philippine Basketball Association (PBA) sa taong 2023.
Nagsimula noong Enero 22 at natapos noong Abril 21, 2023, inangkin ng Tropang Giga ang korona ng PBA Governor’s Cup sa likod ni dating NBA player Rondae Hollis-Jefferson.
Tinalo ng TNT ang Barangay Ginebra ni resident import Justin Brownlee, 4-2, sa best-of-seven championship series.
Opisyal namang iniluklok si Jorge Gallent bilang head coach ng San Miguel kapalit ni Leo Austria noong Enero 21 habang si Jamike Jarin ang pumalit kay Topex Robinson sa Phoenix.
Tinapik ng Blackwater si dating Converge mentor Jeffrey Cariaso kapalit ni Ariel Vanguardia at si Luigi Trillo ang umupo sa bench ng Meralco kasabay ng paglalagay kay Norman Black bilang consultant.
Sampung players ay pinatawan ng parusa dahil sa paglalaro sa ‘ligang labas’.
Pinagmulta si Magnolia guard Jio Jalalon ng P100,000 habang tig-P50,000 ang ipinataw kina Beau Belga ng Rain or Shine at JR Quiñahan ng NLEX bukod sa tig-P20,000 sa pagkakasangkot sa rambulan sa isang laro sa Catmon, Cebu.
Pinagmulta rin sina Rey Nambatac at Jhonard Clarito (RoS), Vic Manuel at Allyn Bulanadi (SMB), Alec Stockton at Barkley Ebona (Converge) at Arwind Santos (NorthPort) ng tig-P50,000.
Sa Rookie Draft noong Setyembre 17 ay hinirang ng Terrafirma si Fil-Am Stephen Holt bilang No. 1 overall pick.
Dahil sa mahabang off-season ay inilunsad ng PBA ang “PBA on Tour” kung saan winalis ng Magnolia ang 11 nilang laro.
Sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA Basketball World Cup at sa Asian Games ay sinimulan ng PBA ang Season 48 noong Nobyembre 5 sa pamamagitan ng Commissioner’s Cup.
Noong Disyembre 11 ay nakuha ng NLEX si Robert Bolick mula sa NorthPort sa isang three-team trade sangkot ang San Miguel.
Inangkin ni 6-foot-10 June Mar Fajardo ng SMB ang kanyang PBA record na pang-pitong Most Valuable Player trophy noong Nobyembre 6.
Pumanaw naman ang 61-anyos na si Lim dalawang araw bago ang Araw ng Pasko.
- Latest