Hallasgo, Fernandez nagpasiklab sa PNG
MANILA, Philippines — Bagama’t isa nang premyadong national athlete ay sumalang pa rin si marathon queen Christine Hallasgo sa athletics event ng 2023 Philippine National Games kahapon sa Philsports track and field oval sa Pasig City.
Nagsumite ang 31-anyos na si Hallasgo ng 37 minuto at 06.96 segundo para itakbo ang gintong medalya sa women’s 10,000m run kasunod sina Artjoy Torregosa (39:09.49) ng Cebu at April Joy Baura Alampayan (39:10.04) ng Bohol.
Ito ang unang paglahok ng 2019 Philippine Southeast Asian Games winner sa PNG na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ng pamumuno ni chairman Richard Bachmann.
“Bilang national athlete kailangan ipakita natin at pangunahan natin ang ibang atleta para makapagbigay sa kanila ng saya,” sabi ni Hallasgo.
Nagtakbo rin ng ginto sina Anna Marie Masangkay ng Pasig City sa women’s open discus throw (36.83), Heart Sauso Duarte ng Maasin, Leyte sa women’s U18 shot put (11.38), Marvin Perez Ramos ng San Fernando, Pampanga sa men’s U20 long jump (55.68) at John Allen Butiong ng Manila sa men’s U20 javelin throw (55.68).
Panalo rin sina Mandaluyong bets Randy Degolacion sa men’s U18 2000m steeplechase (6:14.46) at Rashied Burdeos sa women’s U20 discus throw (36.27).
Sa swimming, dalawang ginto ang nilangoy ni Puerto Princesa, Palawan tanker Quendy Fernandez sa Philsports pool.
Nagdomina ang 18-anyos na si Fernandez sa women’s 18-and-over 50-meter butterfly sa tiyempong 29.34 segundo at sa 100m backstroke sa bilis na 1:07.66 minuto.
Ito pa lamang ang unang salang ng UP Diliman freshman sa PNG makaraang manguna sa UAAP women’s 50m, 100m at 200m backstroke para sa Lady Maroons.
Lalangoy pa si Fernandez sa 50m, 200m backstroke at 4x50-meter freestyle relay.
Kumuha rin ng gold sina Joshua Gabriel Ang ng Makati City sa boys 18-and-over 50m butterfly (25.10) at John Neil Baderres ng Lucena sa 18-over backstroke (1:00.54).
- Latest