Dyip tinambakan ng Fiberxers
MANILA, Philippines — Tinambakan ng Converge ang Terrafirma, 116-87, sa pag-arangkada ng 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Sinamantala ng FiberXers ang hindi muna paglalaro ng bagong Dyip na sina Terrence Romeo at Vic Manuel sa likod ng balanseng atake tungo sa walang kapagod-pagod na tagumpay at 1-0 kartada sa ikalawang conference ng PBA tampok ang unlimited height na imports.
Kumamada ng 25 puntos at 16 rebounds si dating NBA player Cheick Diallo para sa maugong na PBA debut habang nagkasya lang sa 10 puntos ang kanyang katapat na si Ryan Earl Richards para sa Dyip.
Umayuda sa kanya ang ace big man na si Justin Arana na humakot ng 16 puntos at 12 rebounds habang nag-ambag din ng 12 at 11 puntos sina Bryan Santos at Mike Nieto, ayon sa pagkakasunod.
May kumpletong 8 puntos 4 rebounds at 6 assists naman sa kanyang inaabangang PBA debut si Jordan Heading kontra sa kanyang original team na pumili sa kanya bilang top pick sa special rookie draft noong 2020.
Nasikwat ng FiberXers si Heading mula sa Dyip kapalit sina Aljun Melecio, Keith Zaldivar at future pick.
Gamit ang pinalakas na line-up, umariba ang FiberXers sa 34-16 ratsada at hindi na lumingon pa hanggang sa umabante ng 33 puntos tungo sa 29-point win.
Napurnada ang 13 puntos ng rookie na si CJ Catapusan habang may 11 puntos din si Mark Nonoy sa kanilang PBA debut matapos hindi muna nakalaro dahil sa kampanya para sa mother team na Iloilo Royals sa MPBL.
Hindi pa naglaro para sa Terrafirma ang bagong ace players na sina Romeo at Manuel na nakuha nila sa trade sa San Miguel kapalit nina Juami Tiongson at Andreas Cahilig isang araw bago magsimula ang conference.
- Latest