Marcial susuntukin ang Asian gold
MANILA, Philippines — Nagsasanay si 2020 Tokyo Olympic Games bronze medalist Eumir Felix Marcial bilang isang amateur at professional boxer.
Nauna nang nagpakondisyon ang middleweight fighter sa US bago umuwi ng Pilipinas para makasabay sa ensayo sina national men’s team members Carlo Paalam, Fil-Australian John Marvin, Aaron Jude Bado, Mark Fajardo at Marjon Pianar.
“Sa kundisyon wala namang problema kasi last month pa lang, nasa US na ako,” wika ng tubong Zamboanga City. “ Doon na ako nag-prepare for Asian Games, and then nag-join ako sa Philippine boxing team one month before iyong tournament ngayon.”
Isa ang 27-anyos na si Marcial sa mga inaasahang kokolekta ng gold medal sa darating na 19th Asian Games sa Hangzhou, China na magbubukas sa Setyembre 23.
Sa Tokyo Olympics ay bigo si Marcial na makapasok sa semifinals matapos yumukod kay Ukrainian boxer Oleksandr Khyzhniak via split decision, 2-3.
Ngayon ay may sapat na eksperyensa na si Marcial at kumpiyansang mananalo ng gold medal sa Hangzhou Asiad para muling makapaglaro sa 2024 Paris Olympics.
“Nakuha ko na iyong experience ko talaga na mga sparring partners ko doon sa US, and then after noon nag-straight ako sa Australia. So walang problema po ‘yung training camp,” ani Marcial.
Matapos ang Hangzhou Asiad ay paghahandaan naman ni Marcial ang kanyang pang-limang pro fight matapos magtala ng 4-0 record.
- Latest