Chua pasok sa KO stage ng European Pool
MANILA, Philippines — Patuloy ang mainit na laro ni Pinoy cue artist Johann Chua matapos sargohin ang 9-6 panalo kay Jayson Shaw ng United Kingdom sa winners qualification ng 2023 European Open Pool Championship sa Hotel Esperanto sa Fulda, Germany.
Umabante sa knockout stage ang 2021 Southeast Asian Games gold medalist na si Chua at inaabangan na lamang kung sino ang susunod na makakalaban na inaayos pa ng MatchRoom Pool.
Swak din sa Round-of-64 si Anthony Raga matapos gumapang sa loser’s bracket.
Tatlong panalo ang tinumbok ni Raga sa loser’s side, una nitong pinatalsik si Lamberti Ingo, 8-0, ng host country noong Huwebes at pinagulong sina Beasar Spahiu, 8-4, at Niels Feijen, 9-3.
Samantala, nalaglag naman sa kompetisyon si James Aranas matapos malasap ang ikalawang pagkatalo kay Jani Siekkihen, 8-9.
Unang yumuko si Aranas kay Shane Van Boening ng United States, 6-9.
- Latest