Pacquiao sasagupa sa Muay Thai fighter sa exhibition bout
MANILA, Philippines — Sasagupain ni dating Pinoy world eight-division champion Manny Pacquiao si Muay Thai legend Buakaw Banchamek sa isang exhibition match sa susunod na taon sa Bangkok, Thailand.
Nagtungo ang 44-anyos na si Pacquiao sa Thailand para plantsahin ang “Match of Legend” duel nila ng 41-anyos na si Banchamek.
Gagamitin sa nasabing exhibition bout ang boxing rules kung saan may anim na three-minute rounds.
Inaasahang magiging pabor ito kay Pacquiao na nagposte ng ring record na 62 wins tampok ang 39 knockouts.
Sa kanyang huling professional fight noong Agosto ng 2021 ay natalo si Pacquiao kay Cuban Yordenis Ugàs via unanimous decision.
Noong Setyembre 29 ng nasabing taon ay pormal nang nagretiro si ‘Pacman’ kasunod ang kanyang pagtakbo sa Presidential derby.
Huling umakyat sa boxing ring si Paccquiao noong Disyembre kung saan niya binugbog si DK Yoo ng South Korea sa isang exhibition match.
Hindi naman magiging madali para sa Pinoy boxing legend na dominahin si Banchamek.
Ang Thai superstar ay may bitbit na 240 wins kasama ang 73 knockouts sa kanyang makulay na Muay Thai career.
- Latest