Mahika ng SEAG host
Ratsada agad sa unahan ang Cambodia sa medal race ng 32nd Southeast Asian Games.
Ito naman eh, bagay na inaasahan dahil sa mga maneho, masahe at mahika na kanilang ginawa sa paglilok ng events calendar at rules para sa kanilang unang hosting job ng biennial meet sa rehiyon.
Para sa mga matagal nang nakatutok sa SEA Games, hindi masisisi ang mga sports leaders ng Cambodia.
Dahil lahat naman ng bansang kasali sa SEAG eh, gumawa nito sa panahon ng kanilang toka bilang host. Ang hindi lang kasali dito eh, Laos at Timor Leste — nasyon na hindi pa nakakaranas ng Games hosting job.
Magiging maganda kung magkakatotoo ang saad ni Philippine Olympic Committee president Bambol Tolentino na magkakaroon na ng uniformity ang kalendaryo sa mga susunod na edisyon ng SEA Games.
Otherwise, patuloy lang silang maggugulangan o magdadayaan. O patuloy ang kenkoyan sa SEA Games Federation.
Sa mas malumanay na salita, patuloy silang magiging mabait o mapagbigay sa mga kagustuhan ng host nation.
Tulad na lamang sa kasulukuyang SEAG, bandera ang Cambodia, samantalang sobrang suwerte sila kung makapasok sa Top 8 sa mga nakalipas na SEA Games.
Pero hindi matatawaran ang kanilang pagnanais magpasiklab sa kanilang unang hosting job.
Ginulantang nila ang lahat sa spectacular nilang pinamalas noong opening rites. World class at taob ang lahat na nakalipas na SEAG inaugurals.
Para doon, take a bow, Cambodia!
- Latest