COPA Golden Goggle swimfest lalarga ngayon
MANILA, Philippines — Mas kapana-panabik na aksyon ang matutunghayan sa pinakaaabangang Congress of Philippine Aquatics Inc. (COPA) Golden Goggle 3rd at 4th leg swimming championship ngayong weekend sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Ayon kay COPA Board member at Samahang Manlalangoy ng Pilipinas (SMP) president Chito Rivera, idinagdag nila sa aktibidad ang BiFin at Para athletes swimming bilang patunay sa adbokasiya ng COPA na mapalakas ang programa sa grassroots level gayundin ang paggabay sa lahat ng sektor at stakeholder sa sports.
‘Sa pamumuno ng pangulo ng COPA na ngayon ay Batangas 1st District Congressman Eric Buhain, sisiguraduhin nating walang maiiwan sa ating hangaring mapaunlad pa ang ating programa sa grassroots level habang pinapalakas ang mga talento sa elite kabilang ang disiplina ng BiFin gayundin ang pagsuporta sa ating mga kapatid na may mga kapansanan,” ani Rivera, mentor din ng Jose Rizal University sa NCAA.
Ibinunyag ni Rivera na ang COPA sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement (MOA) sa Finswimming Federation of the Philippine (FFP) ay naatasang magsagawa ng national tryouts at bumuo ng eight-man (4 men’s at 4 women’s) BiFin swimming team para sa Cambodia SEA Games na magsisimula sa Mayo 6.
Inaasahan ding muling mananalo ng mga medalya ang triple gold winners na sina Marcus Pablo, John Rey Lee, Samantha Mia Mendoza, Jamie Aica Summer Sy na pawang nanaig sa kani-kanilang dibisyon sa 200-meter freestyle.
- Latest