Erram vs fans
May punto si Poy Erram na sana naman eh, maprotektahan din ang mga manlalaro sa mga abusadong fans o sa mga hecklers na below the belt na ang atake.
Pero ang pinakamagandang panglaban pa rin dito eh, manatiling focus sa laro, maglaro ng maganda at tulungan ang koponan na maitawid sa panalo.
Mas dumagundong ang pang-aasar ng crowd kay Erram noong Game 4 ng TNT-Ginebra title duel. Pero wagi si Erram dahil pinanatili niya ang kanyang composure, kumayod at nakatulong sa series-tying 116-104 win ng Tropang Giga.
Wala kang panalo kung makikipagbangayan ka sa mga fans dahil magbubunsod lang ito sa pagkasira ng iyong laro at kung lumagpas ka sa limitasyon, mapaparusahan ka pa ng liga.
Sina Allan Caidic, Danny Ildefonso at Marc Pingris ang ilang superstars na napikon sa mga hecklers, sumubok umatake sa mga fans at nakatamo ng mabigat na sanctions sa liga.
Ilan naman sa maaalalang malaki ang pagtitimpi eh, sina Bong Alvarez at Jason Webb.
Sa kanyang sobrang galing bilang King San Sebastian Stag sa kanyang collegiate career, buong crowd ng kalabang koponan noon ang sabay-sabay humihiyaw ng mura kay Alvarez.
Pero kinaya niya ang sitwasyon at nilagpasan ang mabigat na chapter na iyon at nakahabi ng premyadong career hanggang sa pro level.
Mabigat na hiyaw din ang hinarap ni Webb sa kanyang paglalaro sa La Salle noon — mabigat na isyu na hindi naman siya ang sangkot kung hindi ang kanyang apelyido lamang.
Wagi rin si Webb noong mga panahong iyon at lalo na nang dumating ang final judgement pabor sa mga Webbs.
Kasalukuyang lamang na sa laban si Erram. Hintayin natin ang mga kaganapan sa susunod na laro.
- Latest