Belen sasali sa PVL Draft

MANILA, Philippines — Halos siyam na oras ang biniyahe ni Bella Belen mula sa Laoag, Ilocos Norte para sa 65th Palarong Pambansa papunta sa 2025 PVL Rookie Draft Combine sa Paco Arena sa Manila noong Sabado.
Lumahok ang three-time UAAP MVP sa unang tatlong oras ng scrimmages sa combine sa Paco Arena bago sumalang sa afternoon session ng Alas Pilipinas sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ayon sa National University Lady Bulldogs superstar, nagpaalam na siya sa PVL at sa Alas Pilipinas bago nagtungo sa Palarong Pambansa kung saan siya pinagkaguluhan ng mga volleyball fans.
Si Belen ay inaasahang hihiranging No. 1 overall pick ng 2025 PVL Rookie Draft na nakatakda sa Hunyo 8.
“Hindi ko naman po iniisip na ako ‘yung magiging number one pick since marami ring talented players na nagpa-draft,” sabi ng 22-anyos na si Belen. “Hinihintay ko rin po kung sinuman po ‘yung team na pipili sa akin.”
Kamakailan ay nagdalawang-isip ang 5-foot-8 na outside hitter kung sasali sa PVL Rookie Draft o maglalaro sa ibang bansa kagaya nina Alas Pilipinas team captain Jia Morado at Jaja Santiago.
“Opo. Kasi parang siyempre, at the end of the day, dito naman tayo sa Pinas. Pilipinas pa rin ang mamahalin,” ani Belen.
Bukod kay Belen ang iba pang inaasahang pag-aagawan sa PVL Draft ay sina Alas Pilipinas standout at Central Washington University alumna Tia Andaya, Alohi Robins-Hardy, Mycah Go at Riza Nogales.
Kabuuang 60 aplikante ang nagpalista para sa PVL Draft.
- Latest



















