Hiroshima kumapit pa sa No. 5 spot
MANILA, Philippines — Nagbuhol ng panibagong winning streak sa Japan B. League ang Hiroshima Dragonflies ni Kai Sotto matapos tambakan ang Toyama Grouses, 94-77, sa sariling homecourt nito sa Kurobe City Sports Center kahapon.
Sakay ng 81-70 tagumpay kamakalawa, umulit ang Dragonflies sa mas malaking panalo upang makumpleto ang weekend road sweep sa solidong ambag ng 7-foot-3 Filipino sensation.
Tumabo ng 10 puntos, 6 rebounds at 1 tapal si Sotto sa 17 minutong aksyon lang para sa magandang follow-up matapos ang kumpletong performance na 4 points, 9 rebounds, 6 assist, 1 steal at 3 blocks sa nakaraang laban.
Sa tulong ng 20-anyos na Pinoy pride ay lalong napatibay ng Hiroshima ang hawak sa ika-5 puwesto sa 33-12 kartada.
Nakalayo rin nang bahagya ang Dragonflies sa bumubuntot na Nagoya Diamond Dolphins ng kababayang si Ray Parks Jr. hawak ang 32-13 kartada para sa Top-5 finish papasok sa playoffs.
Ito na ang ikaapat na panalo ni Sotto sa anim na salang sa Hiroshima tampok ang three-game winning streak noong nakaraang linggo bago maputol ng karibal sa standings na Nagoya, 90-88.
- Latest