Meralco inagaw ang Quarterfinals spot
MANILA, Philippines — Nabalewala ang itinalang triple-double ni Converge import Jamaal Franklin at ang muling paglalaro ni two-time PBA MVP Danny Ildefonso.
Ito ay matapos itakas ng Meralco Bolts ang 132-129 overtime win laban sa FiberXers papasok sa quarterfinals ng 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Isinalpak ni Meralco guard Anjo Caram ang dalawang technical free throws sa huling 6.9 segundo ng extra period at sinupalpal ni import KJ McDaniels ang tangkang tres ni Jerrick Balanza ng Converge.
Tumapos si McDaniels na may 33 points at 12 rebounds at nag-ambag si Aaron Black ng 28 markers, 8 boards at 5 assists para sa 6-4 record ng Bolts.
Bigo naman ang FiberXers, may 6-4 marka rin, na makalapit sa inaasam na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
Ang dalawang foul shots ni Caram ay nagmula sa flagrant foul penalty 1 ni Barkley Ebona ng Converge kay Allein Maliksi ng Meralco sa huling 6.9 segundo ng overtime.
Dahil sa galit ay sinakal ni Maliksi si Ebona na nagresulta sa kanyang disqualifying foul at free throw ni Jeron Teng na nagdikit sa FiberXers sa 129-132.
Kumolekta nsi Franklin ng 57 points, 14 rebounds at 11 assists sa panig ng Converge, habang may isang rebound at isang turnover ang 46-anyos na si Ildefonso sa loob ng 4:17 minuto.
Sa ikalawang laro, inangkin ng Barangay Ginebra (6-2) ang isang quarterfinals ticket mula sa 109-89 paggiba sa Phoenix (4-6).
- Latest