Hotshots malapit na sa top 2
MANILA, Philippines — Inilapit ng Magnolia ang kanilang sarili sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals matapos itumba ang Meralco, 108-96, sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagpasabog si Paul Lee ng 27 points habang may 17 at 16 markers sina Calvin Abueva at import Nick Rakocevic, ayon sa pagkakasunod, para sa 9-2 record ng Hotshots sa ilalim ng guest team na Bay Area Dragons (10-2).
“Ginawa ko lang iyong trabaho ko,” sabi ni Lee, nagsalpak ng limang three-point shots para sa Magnolia na kailangang talunin ang Rain or Shine sa Biyernes para opisyal na angkinin ang No. 2 seat taglay ang ‘twice-to-beat’ bonus sa No. 7 team.
Ito rin ang bitbit ng Bay Area laban sa No. 8 squad.
Bagama’t natalo ay may tsansa pa ang Bolts (4-6) na makahirit ng playoff kung mananalo sa NLEX Road Warriors sa Miyerkules at sa San Miguel Beermen sa Biyernes.
Nakabawi ang Meralco mula sa 36-46 pagkakaiwan sa Magnolia sa second period para agawin ang 53-46 abante sa pagsisimula ng third quarter galing sa 17-0 atake.
Huling napasakamay ng Bolts ang abante sa 60-59 galing sa triple ni Bong Quinto kasunod ang 19-3 bomba ng Hotshots para ilista ang 78-63 bentahe na kanilang pinalobo sa 21-point lead, 95-74, sa pagbungad ng final canto.
Nagkaroon si center Raymond Almazan ng right ankle sprain sa 10:27 minuto ng laro at hindi na nakabalik pa para sa Meralco na nakalapit sa 93-104 sa huling 3:22 minuto.
Humakot si import KJ McDaniels ng 32 points, 9 boards, 4 assists at 3 blocks sa panig ng Bolts na nagtapos ang three-game winning run.
- Latest