SMB kampeon sa Philippine cup
MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang taon ay muling naisuot ng mga Beermen ang korona ng PBA Philippine Cup.
Tinapos ng San Miguel ang kanilang championship series ng TNT Tropang Giga, 119-97, sa ‘winner-take-all’ Game Seven kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpasabog si CJ Perez ng 25 points at kumolekta si six-time PBA MVP at Best Player of the Conference June Mar Fajardo ng 19 markers, 18 rebounds at 5 assists.
“Salamat sa Talk ‘N Text dahil sa magandang series na ibinigay nila sa amin, umabot tayo ng Game Seven,” sabi ni Fajardo na hinirang na Finals MVP ng PBA Press Corps.
Winakasan ng Beermen sa 4-3 ang kanilang best-of-seven titular showdown ng Tropang Giga, hindi nagabayan ni coach Chot Reyes matapos isailalim sa PBA health and safety protocols.
Itinagay ng SMC franchise ang kanilang pang-28 PBA crown sa harap ng 15,195 fans.
Kumawala ang San Miguel sa fourth quarter kung saan sila naglunsad ng 20-2 atake para itayo ang 15-point lead, 104-91, sa 8:45 minuto ng final canto ng fourth period mula sa 84-89 third-quarter deficit.
Nauna nang humataw si Jayson Castro ng 19 points sa third period para ibangon ang TNT buhat sa 13-point deficit sa first half.
Lalo pang nakalayo ang Beermen sa 116-94 matapos ang dalawang sunod na tres ni Chris Ross sa huling 3:17 minuto ng bakbakan.
Tinapos ni Castro ang laro na may game-high na 32 points, 10 rebounds at 8 assists para sa Tropang Giga habang may 22, 16 at 11 markers sina Mikey Williams, Roger Pogoy at Troy Rosario, ayon sa pagkakasunod.
Nawala naman si center Poy Erram sa third quarter matapos tawagan ng Flagrant Foul Penalty 2.
Ito ay nang hatawin niya ang ulo ni Moala Tautuaa na ilang minutong hindi nakatayo.
Nagtala ang 6-foot-8 na si Erram ng 7 points, 3 boards, 2 assists at 2 blocks para sa TNT.
- Latest