Taichung Suns dumaan sa proseso para mapapirma si Heading
MANILA, Philippines — Iginiit ng Taichung Suns na dumaan sila sa tamang proseso para mapapirma ng kontrata si Gilas Pilipinas cadet Jordan Heading upang maglaro sa T1 league ng Taiwan.
Ayon sa pahayag ng Suns sa wikang Mandarin na isinalin sa Ingles sa translation ng kanilang official account sa isang social media ay sinunod nila ang mga legal requirements batay sa FIBA International Basketball General Transfer Regulations.
“(Taichung) hereby declares the contract signed by the Sun and Jordan Heading all comply with the legal requirements (and in) all compliance with the FIBA International Basketball General Transfer Regulations,” ayon sa translated na statement.
Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng Suns ang paglalaro ni Heading sa kanilang koponan para sa bagong liga sa Taiwan na magbubukas na sa susunod na buwan.
Nilinaw agad ng SBP na may “live legal contract” pa si Heading hanggang Marso 2023 bilang bahagi ng special class ng 2021 PBA Rookie Draft noong Marso.
Si Heading ang No. 1 overall pick ng Terrafirma sa ikalawang special Gilas draft kasama sina Will Navarro, Tzaddy Rangel at Jaydee Tungcab pagkatapos ng 2019 class nina Isaac Go, Rey Suerte, Matt Nieto, Allyn Bulanadi at Mike Nieto.
Ipinahiram muna sila sa SBP at Gilas upang magsilbing main core ng inihahandang koponan para sa 2023 FIBA World Cup.
Ayon sa SBP ay maghihintay muna sila ng sagot ng FIBA bago maglabas uli ng statement matapos magpadala ng liham sa FIBA at sa Chinese Taipei Basketball Association tungkol sa isyu.
Sabik na rin si Heading sa paglalaro sa Taiwan ayon sa inilabas na video ng Taichung. “I’m super excited to heading over back to Taichung and really excited to get over with the boys and start working. I’m really excited to be with the fans as well,” aniya.
- Latest