Fortea iniwan ang NU para lumipat sa UP
MANILA, Philippines — Nalagasan na naman ang National University (NU) basketball program matapos magdesisyon si Terrence Fortea na lumipat sa University of the Philippines (UP).
Kinumpirma ni Fighting Maroons backer Gov. Jonvic Remulla ang pagpasok ni Fortea sa Katipunan-based squad matapos ang ilang buwang haka-haka sa paglipat nito.
“Terrence Fortea has committed to us. Makikita mo na ‘yung core ng team for the next few years will be very solid,” ani Remulla.
Produkto si Fortea ng National University Nazareth School kung saan naging bahagi ito ng Bullpups na nagkampeon ng dalawang beses sa UAAP.
Nagtala ito ng ave-rages na 15.38 points, 2.63 rebounds, 2.56 assists at 1.13 steals noong UAAP Season 82 juniors basketball tournament.
Dahil sa kanyang husay, makailang ulit na itong naging bahagi ng Gilas Youth na sumabak sa FIBA Under-17 Asia Cup, Under-18 World Cup, Under-19 World Cup.
Malaki ang maitutulong ni Fortea sa Fighting Maroons na kasalukuyang nasa rebuilding matapos mawala ang ilang key players gaya nina Kobe Paras, Jaydee Tungcab at Juan Gomez de Liano.
Si Fortea ang ikatlong Bullpup na lumipat sa Fighting Maroons.
Nauna na sina Carl Tamayo at Gerry Abadiano.
- Latest