PBA rookie draft lalarga ngayon!
86 players nag-aasam makapasok
MANILA, Philippines — Matapos ang matagal na paghihintay, matutupad na sa wakas ngayon ang pangarap ng 86 aspirants sa makasaysayang pagdaraos ng 2021 PBA Rookie Draft bago ang pagbubukas ng Season 46 sa susunod na buwan.
Aarangkada ang draft exercise sa alas-4 ng hapon sa ilalim ng virtual set-up sa gitna ng pandemya.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 36 na taon na gaganapin ang draft proceedings online.
Tinitingnan ang draft na isa sa pinakamalalim na cast sa kasaysayan ng PBA sa pangunguna nina prospective top picks Joshua Munzon at Jaime Malonzo.
Matunog ding early round prospects sa regular draft sina Mikey Williams, Calvin Oftana, Santi Santillan, Alvin Pasaol, Larry Muyang, James Laput, Ben Adamos, Franky Johnson at Jerrick Ahanmisi.
Bubuuin naman nina Jordan Heading, Will Navarro, Jaydee Tungcab at Tzaddy Rangel ang special draft na ipapahiram muna ng PBA sa Gilas Pilipinas bilang suporta ng liga sa programa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Terrafirma, NorthPort, NLEX at TNT, ayon sa pagkakasunod, ang unang pipili sa regular at special draft.
Nakuha ng TNT ang 4th pick (na orihinal na hawak ng NLEX) sa three-way trade kasama ang Blackwater kamakalawa.
Susunod naman sa kanila ang Rain or Shine (#5), Alaska (#6 mula sa Magnolia), Phoenix Super LPG (#7 mula sa Alaska), Terrafirma (#8 mula sa San Miguel), Meralco (#9), Magnolia (#10 mula sa Phoenix), NorthPort uli at Barangay Ginebra (#12).
Nagkagulo ang first round draft order sa palitan ng mga koponan bunsod ng sunud-sunod na trades na nakasentro kina Calvin Abueva, Vic Manuel, Chris Banchero at CJ Perez.
Mula naman sa dulong pick sa first round ay unang pipili sa second round ang defending champion na Gin Kings sa #13 matapos ang trade sa NorthPort kapalit si Jerrick Balanza at 24th pick bilang huling trade bago ang draft.
- Latest