Philippine boxers umpisa na ang training sa Thailand
MANILA, Philippines — Dumating na kahapon sa Thailand ang Philippine boxing team na pinamumunuan ni 2021 Olympic Games-bound Irish Magno para sa isang training camp.
Kasama ni Magno sina Olympic aspirants Nesthy Petecio at Carlo Paalam para sa kanilang training at competition sparring sa Ko Samui Island hanggang Abril 10.
Kinansela kamakailan ng boxing organizers ng International Olympic Committee (IOC) ang qualifying tournament sa Paris, France sa Hunyo bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Pagbabasehan na lamang ang rankings ng mga boksingero para sa pagbibigyan ng Olympic berth.
Sinasabing malaki ang tsansa nina Petecio at Paalam na mabigyan ng Olympic ticket dahil sa mataas nilang rankings sa kani-kanilang weight divisions.
Plano ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas na magsali ng koponan sa Asian Boxing Confederation tournament na nakatakda sa Mayo 21-30 sa New Delhi, India bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan sa Hulyo.
“We are very grateful to Thai Boxing president Pichai Chunhavajira for the initiative,” wika ni Vargas.
Umaasa naman ang ABAP chief na makakasama nila sa training camp sa Thailand si Olympic-bound Eumir Felix Marcial na kasalukuyang nagsasanay sa ilalim ni Hall of Famer Freddie Roach bilang isang professional boxer sa Wild Card Boxing Club sa Hollywood.
Naniniwala si Vargas na malaki ang pag-asa ng middleweight na si Marcial na masuntok ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa.
- Latest