Baldwin pinagmulta ng PBA
MANILA, Philippines — Matapos tanggapin ang dispensa ni Tab Baldwin noong Lunes ay pinatawan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang TNT Katropa asistant coach ng parusa.
Multang P75,000 at three-game suspension ang ipinataw ng liga sa 62-anyos na three-time UAAP champion coach ng Ateneo Blue Eagles dahil sa kanyang naunang komento tungkol sa format ng liga.
Sa isang podcast noong nakaraang Huwebes ay sinabi ni Baldwin na ‘big mistake’ ang pagpapalaro ng PBA ng isang import lamang bawat komperensya.
Dalawa hanggang tatlong imports bawat komperensya ang gusto ni Baldwin at inilarawan din ang mga coaches bilang ‘tactically immature’.
“I feel bad that has happened but that is not my intention,” sabi ni Baldwin, ang program director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), sa kanyang paghingi ng dispensa kay PBA Commissioner Willie Marcial.
Noong 2002 ay pinagmulta ng liga si dating Talk ‘N Text coach Bill Bayno ng P200,000 sa pagtawag sa PBA bilang “San Miguel league” sa gitna ng kanyang pagtuligsa sa officiating.
Samantala, sinabi naman ng Basketball Coaches Association of the Philippines (BCAP), pinamumunuan ni Louie Gonzalez, na hindi ibinabahagi ng New Zealander-American mentor ang kanyang coaching knowledge sa mga Pinoy coaches.
Dismayado ang mga local coaches sa mga naging komento ni Baldwin sa kanila.
- Latest